Cotabato – Tinatayang nasa Php500,000 halaga ng shabu ang nasabat sa isinagawang buy-bust operation ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency 12 sa Barangay Poblacion 7, Midsayap, Cotabato nito lamang Linggo, Hulyo 9, 2023.
Kinilala ni Police Brigadier General Jimili Macaraeg, Regional Director ng Police Regional Office 12, ang mag-asawang suspek na sina alyas “Akrima”, 48, businesswoman, kabilang sa listahan ng High Value Individual at ang kanyang asawa naman na si alyas “Mandi”, kapwa residente ng nasabing lugar.
Batay sa ulat na natanggap ni PBGen Macaraeg sa Midsayap Municipal Police Station, dakong alas-7 ng umaga ng ikinasa ang naturang operasyon laban sa mag-asawa sa pangunguna ng PDEA 12 kasama ang Midsayap MPS at 34th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Nakumpiska at narekober mula sa mag-asawang suspek ang ilang pakete ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na 73 gramo na nagkakahalaga ng Php500,000.
Nahaharap ang mag-asawa sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang pagtutulungan ng PNP at PDEA na masawata ang mga naturang suspek ay isang patunay na mas pinalakas ng ating gobyerno ang kampanya laban sa ilegal na droga upang tuluyan ng masugpo ang mga ganitong maling gawain na nakakasira sa ating komunidad.
Panulat ni Patrolman Khnerwin Jay A Medelin