South Cotabato – Nasabat ang ilang pakete ng hinihinalang shabu at ilegal na baril sa bisa ng Search Warrant na isinilbi ng awtoridad sa Sitio Sapangan, Brgy. Lemsnolon, Tboli, South Cotabato, nito lamang Lunes, Hulyo 3, 2023.
Kinilala ni Police Brigadier General Jimili Macaraeg, Regional Director ng Police Regional Office 12, ang target ng operasyon na si alyas “Dugong”, nasa wastong gulang, walang asawa, at residente ng nasabing lugar.
Batay sa ulat na natanggap ni PBGen Macaraeg, nabatid na bandang alas-5 ng umaga ng salakayin ng Tboli Municipal Police Station ang bahay na tinitirhan ni Dugong sa bisa ng Search Warrant sa kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
Hindi na naabutan ng awtoridad ang naturang subject person sa kanyang bahay ngunit narekober din sa pamamahay nito ang pitong piraso ng plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, isang yunit ng Homemade Break Open Type 20 Gauge Pistol at dalawang live ammunition.
Ang nakuhang droga ay tumitimbang ng 4.9 gramo at nagkakahalaga ng Php33,320.
Samantala, kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang isinampang reklamo laban sa suspek.
Giit naman ni PBGen Macaraeg na mahigpit na ipinatutupad ng PRO 12 ang agresibong panghuhuli sa mga indibidwal na nagmamay-ari ng mga ilegal na baril at nagpapakalat ng droga, na nagdudulot ng mga karahasan at kriminalidad sa lipunan.
Panulat ni Patrolman Khnerwin Jay A Medelin