Inatasan nina Department of Interior and Local Government Secretary Eduardo Año at Cabinet Secretary Karlo Nograles ang Philippine National Police na pangunahan ang imbestigasyon sa kaso ng isang quarantine skipper na kasalukuyang viral sa internet.
“I have instructed on December 30, 2021 the DIDM (Directorate for Investigation and Detective Management), CIDG (Criminal Investigation and Detection Group), NCRPO (National Capital Region Police Office) and HS (Health Service) to investigate the case and file appropriate criminal charges against anyone who will be found violating the protocols,” ani CPNP, PGen Dionardo Carlos.
Kinilala si Gwyneth Anne Chua na binansagang “Poblacion Girl” ng mga netizen dahil sa umano’y pagtakas nito sa quarantine facility. Siya ay dumating sa Pilipinas mula sa Los Angeles, California noong Disyembre 22, 2021 kung kaya’t obligado siyang ma-quarantine ngunit namataan siya sa isang party sa Brgy. Poblacion, Makati City nang ganap na alas diyes ng gabi ng Disyembre 23, 2021.
Nakumpirma ng awtoridad noong Disyembre 27, 2021 limang araw makalipas dumating sa bansa, na nagpositibo ang nasabing quarantine skipper sa COVID-19. Sa pahayag ni DILG Secretary Año, hindi bababa sa 15 na katao na nakasama ni Chua sa party ang nagpositibo ngayon sa virus.
Tiniyak naman ng Berjaya Makati Hotel, kung saan naka-quarantine si Chua, ang kooperasayon nila sa awtoridad ukol sa imbestigasyon sa nasabing insidente.
“Also, the PNP mandated to ensure public safety will do the rounds, inspections and accounting of persons under quarantine in designated hotels-quarantine facilities (QFs),” dagdag pa ni PGen Carlos.
Ang National Capital Region ay kasalukuyang nakasailalim sa Alert Level 3 ayon sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na aksyon laban sa pagtaas muli ng kaso ng COVID-19 sa bansa lalo na sa Kamaynilaan mula Enero 3 – 15, 2022.
#####
Panulat ni: Patrolman Noel Lopez
Salamat Team PNP mabuhay po kayo