Marawi City – Nauwi sa engkwentro ang paghahain ng Warrant of Arrest ng PNP at AFP sa leader at sub-leader ng ISIS Philippines sa Brgy. Marawi Poblacion, Marawi City, Lanao Del Sur nito lamang ika-14 ng Hunyo 2023.
Kinilala ni Police Brigadier General Allan Nobleza, Regional Director ng PRO BAR, ang mga napatay na sina alyas “Abu Zacaria”, leader ng ISIS sa East-Asia at si alyas “Abu Mursid”, na siya namang sub-leader ng grupo at finance officer ng Dawlah Islamiya-Maute Group.
Ayon kay PBGen Nobleza, bandang 1:30 ng hatinggabi ay isisilbi sana ng mga operatiba ng CIDG, 103rd Brigade 1st ID, PNP SAF 84thSAC, ISU BAR, Task Force Marawi, MIG 21, ISAP, at Marawi CPS ang Warrant of Arrest dahil sa kasong Murder at Frustrated Murder laban sa mga suspek ngunit nauwi ito sa engkwentro na nagresulta sa kanilang pagkamatay at pagkakasugat sa isang miyembro ng operatiba na agad namang dinala sa Amai Pakpak Medical Hospital para malapatan ng lunas.
Narekober mula kay Abu Zacaria ang isang M16 rifle na walang serial number na may kasamang isang magazine at tatlong bala, isang M16 na may serial number na RP166516 na walang magazine, 3 40mm/ M2O3 live ammunition, 5 electric blasting cap, 2 IED, isang 60mm fragment, isang grenade fuze assembly, at ISIS Flag.
Habang narekober naman mula kay Abu Mursid ang isang M16 rifle chamber na kargado ng isang bala na may kasamang isang magazine at 18 na bala, isang Glock 17 Pistol na may isang magazine at 12 bala, 24 na pirasong bala ng 9mm, 21 fired cartridge case ng M16, isang cartridge case ng 9mm, isang 60mm na walang tail pin at walang fuse, at isang fuze assembly grenade.
Matapos ang engkwentro ay prinoseso ng Forensic Unit-BAR at EOD ang pinangyarihan at kinuha ang mga ebidensya, habang ang mga katawan ng mga napatay ay maayos na nai-turn over sa Barangay Official ng nasabing lugar.
Samantala, pinuri naman ni PBGen Nobleza, ang mga operatiba dahil sa matagumpay na operasyon, gayundin ang mga tauhan ng PRO BAR dahil sa matagumpay na paghahatid ng suporta sa supervising unit mula sa AFP, ang 103rd Brigade 1ID, PA at CIDG.
Panulat ni Patrolman Charlie Nasroden Corpuz