Apat (4) na miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) sa Western Visayas ang nasawi at dalawa (2) ang sugatan makaraang makasagupa ang pwersa ng pulis at militar noong ika-14 ng Setyembre 2021 sa Negros Occidental.
Batay sa report ni Police Brigadier General Felipe R. Natividad, Director ng Special Action Force, kay PNP Chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar, bandang 7:20 ng umaga nang maka-engkwentro ng Special Action Force troopers at operatiba ng militar pwersa ng CTG na tumagal ng mahigit isang (1) oras na palitan ng putok sa Sitio Balik Balik ng Barangay Tabo, Ilog.
Agad nilapatan ng lunas ang dalawang (2) rebeldeng nasugatan matapos silang abandonahin ng mga tumakas nilang kasamahan. Kabilang sa sugatan ang South West Secretary na si Nilda Bertulano na may nakabinbing Warrant of Arrest sa kasong pagpatay.
Ayon kay PNP Chief Eleazar, bibigyan ng medical na atensyon ang mga sugatang rebelde hanggang sa gumaling ang mga ito handa ng harapin ang imbestigasyon at paglilitis sa kanilang kaso.
“Napag-alaman din natin na itong mga rebelde ay nagrerecruit ng mga bago nilang miyembro sa naturang lugar. Saludo ako sa ating mga pulis dahil sa matagumpay nilang operasyon laban sa mga teroristang ito, at hindi tayo titigil hangga’t hindi natin sila nahuhuli at mawakasan ang pagsira sa kinabukasan ng mga kabataan at pamilya ng kanilang nare-recruit,” giit ni Eleazar.