Bacolod City – Sa patuloy na pinaigting na kampanya kontra ilegal na droga ng ating kapulisan ay umabot sa Php4.5 milyong halaga ng shabu ang nasamsam ng mga awtoridad sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Bacolod City.
Bandang 9:30 ng gabi ng Mayo 31, 2023, nang magsagawa ang mga operatiba ng Regional Police Drug Enforcement Unit 6 kasama ang Station Drug Enforcement Team ng Bacolod City Police Station 2 ng buy-bust operation sa Burgos St., Brgy. 10, Bacolod City at nagresulta pagkakaaresto ng isang Regional Top Priority Target at ang kasama nito.
Kinilala ni Police Colonel Noel Aliño, Hepe ng Bacolod City Police Office, ang mga nahuling sina Jojo Segovia alias “Boy Tattoo”, 21, residente ng Purok Lampirong, Brgy. 2, Bacolod City at itinuturing na Regional Top Priority Target, at ang kasama nitong si Lijun Tayona, 35, Street Level Individual, residente ng Block 8 Lot 32, Brgy. Pahanocoy, Bacolod City.
Nakuha mula sa dalawa ang 400 gramo ng suspected shabu na may Standard Drug Price na Php2,720,000.
Samantala, sa isa pang buy-bust operation na inilunsad ng pinagsamang mga operatiba ng City Drug Enforcement Unit ng Bacolod City Police Office kaninang alas-2:30 ng umaga, Hunyo 1, 2023, ay nahuli naman si Malcom Marcial, 24, residente ng Purok Langis sa Barangay Banago at tinuturing na High Value Individual.
Narekober naman mula sa kanya ang 262 gramo ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng Php1,781,600.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy ang PNP sa pagpapaigting ng kampanya kontra kriminalidad at ilegal na droga upang maprotektahan ang komunidad mula sa mapanirang epekto nito at mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa pamayanan.