Iloilo – Arestado ang limang drug personality na kinabibilangan ng isang menor-de-edad matapos ang inilunsad na buy-bust operation sa Railway St., Poblacion Ilaya, Passi City, Iloilo kahapon ika-30 ng Mayo 2023.
Dakong alas-4:15 ng hapon nang isagawa ang drug-bust ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Team (SDET) ng Passi City Police Station kasama ang Provincial Drug Enforcement Unit ng Iloilo Police Provincial Office na nagresulta sa pagkakadiskubre ng isang drug den at pagkakahuli ng limang indibidwal.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Aron Palomo, Officer-In-Charge ng Passi City PNP ang mga naarestong sina Edmundo Bugna Jr., 40, residente ng Railway St., Brgy. Poblacion Ilaya, Passi City; Anthony Joco, 33, residente ng Jaro, Iloilo City; Peigen Ritz Agustar, 21, residente ng Sitio Hacienda Rosa, Brgy. Garita, San Enrique, Iloilo; Mariette Fe Villawala, 22 residente ng Buenavista Guimaras; at ang isang 16 anyos na babae, na residente naman ng Sitio Hacienda Rosa, Brgy. Garita, San Enrique, Iloilo.
Ayon kay PLtCol Palomo, nakumpiska sa mga suspek ang 4 na sachets ng suspected shabu na tumitimbang ng humigit kumulang 2.5 gramo, at may estimated market value na Php13,600.
Ayon pa kay PLtCol Palomo, halos isang buwan na isinailalim sa surveillance ang mga subject person bago isagawa ang nasabing drug-bust.
Ang PNP PRO6 ay hindi titigil sa kampanya laban sa pagsugpo sa kriminalidad, droga at terorismo para sa kaligtasan ng mamamayan sa kanilang nasasakupan.