Cebu City – Arestado ng PNP ang isang criminology student matapos makumpiskahan ng tinatayang nasa Php3.4 milyong halaga ng shabu sa buy-bust operation na inilunsad sa El Felibusterismo St., Brgy. Ermita, Cebu City noong Mayo 29, 2023.
Kinilala ni Police Brigadier General Anthony Aberin, Regional Director ng Police Regional Office (PRO) 7, ang suspek na si Christian Broñola Dela Peña, 23, na pansamantalang naninirahan sa Sitio Kastilaan ng ng nasabing barangay.
Ayon kay PBGen Aberin, dakong alas-10:10 ng gabi nang ikasa ng mga miyembro ng Regional Drug Enforcement Unit (RPDEU) 7 ang operasyon na humantong sa matagumpay na pagkakadakip ng suspek.
Nakumpiska mula sa pag-iingat ng suspek ang nasa higit kalahating kilo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na Php3,434,000, isang belt bag, at ang nagamit na buy-bust money.
Muli namang tiniyak ng pamunuan ng PRO 7 ang pagpapatuloy ng maayos at mahusay na kampanya kontra ilegal na droga alinsunod sa isinusulong na programa ng pamahalaan.
“PRO 7 will continue to launch honest, sincere, and impactful anti-drug operations aligned with SILG, Atty Benhur Abalos Jr.’s BIDA Program and 5-Focused Agenda of PNP Chief PGen Benjamin Acorda Jr., and in alliance with the members of the Central Visayas community,” mensahe ni Police Brigadier General Aberin.
Kasunod nito, hinikayat din niya ang publiko na ipagbigay-alam sa pulisya ang anumang impormasyon ukol sa kalakalan ng ilegal na droga sa kanilang lugar.