Negros Occidental – Tiklo ang isang fish vendor sa inilunsad na anti-illegal drug operation ng Station Drug Enforcement Team ng La Carlota City Police Station sa Bucroz Gamay, Brgy. 2, La Carlota City, Negros Occidental, bandang alas 10:08 ng umaga nitong ika-22 ng Mayo 2023.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Lowell Garinganao, Hepe ng La Carlota City Police Station, ang naarestong drug suspek na si alyas “Reboy”, 35, Street Level Individual, Top 4 drug personality ng La Carlota City PNP at residente ng nabanggit na lungsod.
Ayon Kay PLtCol Garinganao, nahuli ang suspek sa aktong pagbebenta nito ng isang pakete ng suspected shabu sa halagang Php500.
Sa pagsasagawa ng body search ay narekober pa sa posesyon ni alyas “Reboy” ang dalawang malalaking piraso ng silyadong plastic sachet na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu.
Ang nakuhang droga sa suspek ay may timbang na humigit kumulang 8 gramo na may Standard Drug Price na Php54,400.
Mahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek.
Patuloy ang Negros Occidental PNP sa kampanya kontra ilegal na droga para sa kaayusan at kapayapaan sa buong probinsya.