Palawan – Matagumpay na natapos ang libreng pabahay handog ng mga kapulisan ng 3rd Platoon, 1st Palawan Provincial Mobile Force Company sa Sitio Saray, Brgy. Inogbog, Bataraza, Palawan nito lamang ika-15 ng Mayo 2023.
Ang aktibidad ay pinangunahan ni Police Lieutenant Jason Tesorero, Platoon Leader sa ilalim ng pangangasiwa ni Police Lieutenant Colonel Klinton Rex Jamotol, Force Commander ng 1st Palawan, PMFC.
Ang Pabahay ay iginawad kay Ginang Jesmina Saguran, isang balo, 37, at may sampung anak at kasama ang kanyang mga magulang.
Ayon kay Ginang Jesmina, pumanaw ang kanyang asawa noong June 2022, habang ang bunso nilang anak ay anim na buwan pa lamang, pagkakaingin at pag-uuling ang hanapbuhay nila, kung kaya’t hindi sumasapat ang kinikita nito upang matustusan ang pang araw-araw nilang pangangailangan, at kapag umuulan ay nakikitulog lamang sila sa kanilang mga kamag-anak.
Nagkaroon ng inisyatibo ang mga tauhan ng 3rd Platoon, 1st Palawan PMFC na mag-ambagan at ang proyekto ay sinimulang gawin noong Mayo 14, 2023 sa pagtutulungan at pagkakaisa ng ating mga kapulisan at matagumpay itong nabuo at natapos noong ika-15 ng Mayo 2023.
Labis ang tuwa at pasasalamat ni ginang Jesmina sa binigay na tulong ng mga kapulisan dahil dito hindi na sila makikitulog sa ibang bahay at hindi na mababasa sakaling umulan man ng malakas dahil may komportable at matibay na silang matitirahang bahay.
Ang aktibidad na ito ay alinsunod din sa estratehikong balangkas ni PNP Chief Police General Benjamin C Acorda Jr. na “A.C.O.R.D.A”, na naglalayong suportahan ang anumang makataong serbisyo, programa, at adbokasiya ng Pambansang Pulisya.
Panulat ni Patrolman Erwin Calaus