South Cotabato – Arestado ang dalawang indibidwal sa magkahiwalay na operasyon ng PNP laban sa ilegal na droga sa probinsya ng South Cotabato nito lamang Mayo 12-13, 2023.
Kinilala ni Police Brigadier General Jimili Macaraeg, Regional Director ng Police Regional Office 12, ang dalawang naaresto na sina alyas “Soysoy”, 27, na residente ng Brgy. Cannery Site, Polomolok, South Cotabato at si alyas “Tating”, 27, na residente naman ng Brgy. Poblacion, Tupi, South Cotabato.
Ayon kay PBGen Macaraeg, bandang 5:00 ng hapon noong ika-12 ng Mayo 2023 nang nahuli sa Purok Malipayon, Brgy. Cannery Site, Polomolok, South Cotabato si alyas “Soysoy” matapos nitong pagbentahan ng isang plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu na may timbang na humigit kumulang isang gramo na nagkakahalaga ng mahigit Php6,800 ang nagpanggap na buyer mula sa pulisya.
Samantala, sa isa pang operasyon, bandang 2:00 ng madaling araw nito lamang Mayo 13, 2023 nang maaresto naman si alyas “Tating” sa Purok 10-A, Barangay Poblacion, Tupi, South Cotabato sa pagbebenta ng shabu sa nagpanggap na buyer mula sa pulisya at narekober ang pera na ginamit sa nasabing operasyon at ilang pakete ng hinihinalang shabu na may bigat na 5 gramo na may tinatayang halaga na Php34,000.
Nakatakdang sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang dalawang suspek.
Siniguro ng PRO 12 ang maayos at epektibong pagsasakatuparan ng kanilang mga hakbangin sa pagsugpo sa ilegal na droga at mas paiigtingin at paghuhusayin ang ugnayan ng pulisya at komunidad.