Quezon City — Timbog ang isang lalaking Indian National dahil sa patong patong na kasong isinampa sa kanya ng mga tauhan ng Payatas Bagong Silangan Police Station (PS 13) ng Quezon City Police District nito lamang Miyerkules, ika-10 ng Mayo 2023.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Roldante Sarmiento, Station Commander, ang suspek na si Sandeep Singh, 30 at residente ng Brgy. Ramon Magsaysay, Quezon City.
Ayon kay PLtCol Sarmiento, inaaresto si Sandeep Singh ng mga operatiba ng istasyon dahil sa umano’y pagnanakaw bandang alas-1:00 ng hapon sa kahabaan ng Ilang-Ilang St., Brgy. Payatas, Quezon City.
Batay pa sa ulat, pumunta ang biktimang si Kuldeep Singh sa Brgy. Payatas upang mangolekta ng mga pagbabayad sa utang sakay ng kanyang motorsiklo nang biglang sumulpot ang suspek mula sa likuran at tinutukan ng baril ang biktima at nagdeklara ng hold-up.
Agad kinuha ng suspek ang pera ng biktima na nagkakahalaga ng Php2,500 at nagtangkang tumakas, gayunman, hinawakan siya ng biktima mula sa likod na naging dahilan upang hindi ito makatakas.
Nakuha ng insidente ang atensyon ng mga nagpapatrolyang PS 13 Tactical Motor Riding Unit (TMRU) police officers na naging dahilan ng agarang pagkakadakip sa suspek.
Narekober ng mga otoridad ang ninakaw na pera na nagkakahalaga ng Php2,500 at isang gun replica sa loob ng kanyang itim na sling bag.
Sa imbestigasyon sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) Office, inamin ni Sandeep Singh na kamakailan lamang ay sangkot siya sa ilang insidente ng robbery (hold-up) sa loob ng lugar ng Quezon City.
Ito ang nagtulak sa mga operatiba ng CIDU na magsagawa ng follow-up operation sa tirahan ng suspek at narekober ang isang (1) hand grenade sa loob ng kanyang drawer.
Sasampahan ng kasong Robbery ang suspek; paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at paglabag sa R.A. 9516 o Illegal Possession of Explosives.
“Layunin ng presensya ng mga pulis na maiwasan ang mga ganitong uri ng krimen. Ito rin ay upang mailayo ang ating Qcitizens sa anumang kapahamakan,” ani PBGen Nicolas D Torre III habang pinupuri ang mga tauhan sa kanilang mabilis na pagresponde sa nasabing insidente.
Source: PIO QCPD
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos