Leyte – Arestado ang Ranked No. 2 Regional Top Priority Target at nakumpiska ang Php544,000 halaga ng hinihinalang shabu sa ikinasang Anti-illegal drugs operation ng PNP-PDEA 8 sa Brgy. Naga-naga, Palo, Leyte nitong ika-9 ng Mayo 2023.
Kinilala ni Police Major J-Rale Paalisbo, Officer-In-Charge ng RPDEU 8, ang naaresto na si alyas “Jay”, nasa wastong taong gulang, residente ng Palo, Leyte at nakalista bilang High Value Individual.
Ayon kay Police Major Paalisbo, bandang 5:30 ng hapon nang isagawa ang operasyon ng mga operatiba ng Regional PNP Drug Enforcement Unit 8, Palo Municipal Police Station, PDEU Leyte PPO at Regional Intelligence Division, PRO8 at sa koordinasyon sa PDEA Regional Office 8 na nagresulta ng pagkakadakip sa suspek matapos makabili ng isang pakete ng pinaghihinalaang shabu ang isang nagpanggap na poseur buyer.
Kaugnay nito, bago tuluyang madakip ang suspek ay nagtangka pa umano itong tumakas at nakipagbuno sa mga awtoridad kaya nagtamo siya ng mga sugat sa kanyang mukha na agad namang dinala sa malapit na hospital para sa agarang atensyong medical.
Nakumpiska sa operasyon ang 23 piraso ng heat-sealed transparent sachets ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit kumulang 80 gramo at nagkakahalaga ng Php544,000.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 sa ilalim ng Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, patuloy naman ang PNP sa pagsasagawa ng ganitong operasyon upang wakasan na ang ilegal na droga at kriminalidad sa buong bansa.