Bacolod City – Kumpiskado ang tinatayang Php340,000 na halaga ng ilegal na droga sa nahuling tatlong babae sa ikinasang buy-bust operation ng CDEU-BCPO sa Purok Cheriza 2, Brgy. 27, Bacolod City nito lamang alas-12:47 ng umaga ng Mayo 7, 2023.
Kinilala ni Police Captain Joven Mogato, Chief, City Drug Enforcement Unit ng BCPO, ang mga naarestong suspek na sina alyas “Nene,” 42-anyos; alyas “Juannie,” 50-anyos; at si alyas “Tomboy,” 27-anyos, pawang mga residente ng nasabing syudad at naitala bilang mga Street Level Individual sa drugs watchlist ng Bacolod City PNP.
Ayon kay Police Captain Mogato, naaresto ang mga suspek sa aktong pagbebenta ng isang pakete ng pinaghihinalaang shabu sa isang police poseur-buyer.
Ayon pa kay PCpt Mogato, narekober sa mga ito ang humigit kumulang 50 gramo ng suspected shabu, na may Standard Drug Prize na Php340,000, kabilang din sa narekober ang 2 black coin purse at buy-bust money.
Mahaharap ang tatlong suspek sa kasong paglabag sa section 5, 11, at 26 ng Article II of R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang matagumpay na pagkakaaresto sa mga drug suspek ay bunga ng mas pinaigting na kampanya ng Bacolod City PNP kontra ilegal droga at sa maayos na pakikipagtulungan ng mamamayan sa kanilang nasasakupan.