Cebu – Tiklo sa hot pursuit operation ng Talisay City Police Station (CPS) ang isang kilalang magnanakaw matapos makunan sa Closed-Circuit Television (CCTV) sa isang bahay sa Laridia Ville, Barangay Dumlog, Talisay City, Cebu noong Martes, Mayo 2, 2023.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Randy Caballes, Chief of Police ng Talisay City Police Station, ang suspek na si “Dente”, 34, residente ng Purok Kalapati, Brgy. San Roque ng naturang lungsod.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Caballes, makaraang tumungo sa kanilang himpilan ang biktima na si “Casas”, 22, dakong alas-8:30 ng umaga noong Martes nang madiskubre ang insidente ng pagnanakaw matapos suriin ng mga awtoridad ang kuha ng surveillance camera sa bahay ng biktima hingil sa pangyayari na naitala bandang alas-3:30 ng umaga noong Abril 30.
Kabilang sa mga natangay ng suspek ang isang Honda Dio na motor na nagkakahalaga ng Php60,000, isang Acer laptop na may charger na nagkakahalaga ng Php46,500, at iba pang mahahalagang gamit na may kabuuang halaga na Php161,200.
Agad na nagsagawa ng follow-up operation ang kapulisan na nagresulta sa agarang pagkakaaresto ng suspek.
Nabawi mula rito ang mga ninakaw na gamit at nakuha sa kanyang pag-iingat ang dalawang plastic sachet ng pinaghihinalaang shabu.
Nahaharap ang suspek sa patong-patong na reklamo na kaugnay sa pagnanakaw at ilegal na droga.
Nabatid na ang suspek ay dati nang naaresto noong Nobyembre 2021 dahil sa pagnanakaw, ngunit nakalaya matapos hindi nagsampa ang biktima ng kaso laban dito.