ParaƱaque City – Umabot sa mahigit Php2.2 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa isang lalaking drug dealer sa isinagawang buy-bust operation ng ParaƱaque City Police Station nito lamang Martes, Mayo 2, 2023.
Kinilala ni Police Brigadier General Kirby John Kraft, District Director ng Southern Police District, ang mga suspek na sina Mohn Chandumal Jiwatramani, 64, at alyas “Zeth”, na nagawang makatakas.
Ayon kay PBGen Kraft, nangyari ang operasyon ng Station Drug Enforcement Unit ng ParaƱaque CPS bandang alas-11:30 ng gabi sa kahabaan ng Gadiola St. Tramo Uno Brgy. San Dionisio, ParaƱaque City na nagresulta sa pagkakaaresto ni Jiwatramani.
Nakumpiska sa operasyon ang isang heat-sealed at tatlong knot tied transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na humigit kumulang 325 gramo at may Standard Drug Price na Php2,210,000; isang genuine na Php1,000 bill na may kasamang 49 pirasong Php1,000 na boodle money na ginamit bilang buy-bust money; isang black weighing scale; isang black belt bag at isang identification card na pagmamay-ari ng naarestong suspek.
Reklamo para sa paglabag sa Sec. 5 at Sec. 11, Art. II ng R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang ihahain sa suspek sa pamamagitan ng inquest proceedings sa Office of the City Prosecutor sa ParaƱaque City.
Sinisiguro ng kapulisan ng Southern Metro, na mas lalo pang hihigpitan ang kanilang pagpapatrolya upang walang makagawa ng ilegal na gawain sa lugar nang sa gayo’y makamit ang kaayusan, maunlad at mapayapang pamayanan.
Source: SPD PIO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos