Cagayan – Nagdulot ng liwanag ang Project Libreng Pailaw ng 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company sa dalawang pamilya na nasa liblib na lugar sa Sitio Suksuk Agnaoan, Brgy. Mabuno, Gattaran, Cagayan noong ika-26 ng Abril 2023.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Wilhelmino Saldivar Jr, Force Commander ng 2nd Cagayan PMFC ang maswerteng mga benepisyaryo ay sina Ginooong Reynaldo Corpuz at Ginang May Dumapal, na labis ang tuwa at pasasalamat sa kapulisan dahil ipinagkaloob nila ang matagal na nilang pinapangarap.
“Laking pasasalamat po namin at lubos kaming nasisiyahan sir dahil hindi na namin poproblemahin ang aming ilaw, ipinagpapasalamat po namin dahil mayroon kayong suporta sa amin. Diyos nawa ang magbalik ng inyong kabutihan sir” ani Aling May.
Samantala, ang Project Libreng Pailaw ay isa lamang sa mga Best Practices ng 2nd Cagayan PMFC sa ilalim ng Project TULAY AKO o ang “TUbig at iLaw Alay sa mamamaYan, Ayudang Kabuhayan Ora mismo” na may layuning makapagbigay ng libreng ilaw lalong lalo na sa pamilyang nasa malalayong lugar, liblib at bulubundukin na hindi pa naaabot ng elektrisidad.
Magpapatuloy sa pagpapaabot ng libreng pailaw ang 2nd Cagayan PMFC sa mga mamamayan sa kanilang nasasakupan upang masiguro ang seguridad ng pamayanan at mabawasan ang ilegal na aktibidad at kriminalidad sa lugar.
Source: 2nd Cagayan PMFC
Panulat ni Patrolwoman Juliet Dayag