Bohol – Nasamsam ang tinatayang Php7.1 milyong halaga ng shabu sa nasakoteng isang Regional High Value Individual sa buy-bust operation ng mga operatiba ng Panglao Police Station at Philippine Drug Enforcement Agency 7 sa Purok 7, Barangay Tangnan, Panglao, Bohol nito lamang Abril 23, 2023.
Kinilala ni Police Major Andie Liquit Corpus, Chief of Police ng Panglao Police Station, ang suspek na si alyas “Mat-Mat”, 27, residente ng Barangay Poblacion 1, Tagbilaran City, Bohol.
Ayon kay PMaj Corpus, dakong 10:15 ng gabi nang maaresto ang suspek na nagresulta sa pagkakasamsam ng higit sa 1050 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng Php7,140,000 matapos makatransaksyon at makabili ang nagpanggap na poseur buyer ng droga mula rito.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sec. 5 at 11, Art. II ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinuri naman ni Police Colonel Lorenzo Alfeche Batuan, Provincial Director ng Bohol PPO, ang matagumpay na operasyon kontra ilegal na droga at binigyang katiyakan na patuloy ang kanilang taimtim na kampanya laban sa ano mang uri ng kriminalidad sa probinsya para sa patuloy na pagpapanatili ng kaligtasan at mapayapang pamayanan.