Camp Crame (December 23, 2021) – Sa patuloy na pagbangon ng ating mga kababayan sa pinsala at bangungot na dala ng bagyong Odette sa parteng Visayas at Mindanao ay patuloy din ang pagpapaabot ng tulong at operasyon ng Philippine National Police (PNP) para tulungang makabangon ang ating mga kababayan na naapektuhan ng kalamidad.
Ayon sa tala ng PNP Command Center noong Disyembre 23, 2021, mayroong 46,162 na pamilya ang apektado dahil sa bagyong Odette, 5,705 Evacuation Centers ang okupado sa kasalukuyan na binabantayan naman ng ating 918 na kapulisan.
1,867 ang kapulisan na nakadeploy sa Search and Rescue (SAR) operation at 1,655 ang Reactionary Standby Support Force (RSSF).
Dahil sa labis na pinsalang dala ng Super Typhoon, 71 na lugar ang naging apektado ng baha at 2,313 ang na-stranded sa Airports at Seaports dahil sa pagkaantala ng mga biyahe.
Dahil na rin sa pagkakasira ng mga maraming poste at pagkakabuwal ng mga malalaking puno sanhi ng lakas ng hangin dulot ng bagyo, may 203 na lugar pa rin ang walang supply ng kuryente sa kasaluyukan, 1,292 ang lugar na walang cellular communication at may tatlong (3) pang daan ang hindi maaaring gamitin.
Maging ang ating mga kasamahan sa PNP ay hindi pinalagpas ni Odette kung saan 3,669 ang apektado kabilang na dito ang Non-Uniformed Personnel (NUP).
Sa kasamaang palad mayroon ng kumpirmadong namatay na 115 sa pagsalanta ni Odette, 883 ang mga nasaktan at 64 ang patuloy pa rin na hinahanap ng ating mga awtoridad.
Ang PNP ay nakapagsagawa na ng 601 Relief Operations, 329 Rescue Operation kung saan 5,127 ang kabuuang nailigtas na katao.
Mayroong tinatayang halaga ng pinsala ang Bagyong Odette na Php81,260,000, kung saan Php1,100,000 para sa mga kabahayan at 3,680 naman ang napinsala na imprastruktura na nagkakahalaga ng Php80,150,000.
Sa kabila ng pagbayo ni Odette sa Kabisayaan at sa parteng Mindanao patuloy parin ang bayanihan ng ating mga kababayan kasama ang lokal na pamahalaan, Non-Government Organizations, Lingkod Bayan Advocacy Support Groups at ng PNP.
Sa nalalapit na pasko nawa ay pag-asa ng pagbangon ang ating maihatid sa ating kababayan na labis na naapektuhan ng Bagyong Odette.
Makakaasa naman ang lahat na ang PNP ay patuloy na aalalay at magpapaabot ng suporta at tulong sa VisMin.
Photo by: PIO/PNP
#####
Panulat ni: Police Corporal Kathleen D Maraño