Caloocan City — Tinatayang Php340,000 halaga ng shabu ang nasabat sa tinaguriang High Value Individual (HVI) sa lungsod ng Caloocan sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng Northern Police District nito lamang Linggo, Abril 16, 2023.
Kinilala ni Police Brigadier General Ponce Rogelio Peñones Jr, District Director ng NPD, ang suspek na si alyas “Arnel”, HVI, 38, at kasalukuyang naninirahan sa Blk. 37 Lot 9, SRCC Garden Ville, Graceville 4, San Jose, Bulacan.
Ayon kay PBGen Peñones Jr, naganap ang operasyon dakong 12:05 ng madaling araw sa kahabaan ng Quirino Highway Cor. Ascoville, Brgy. 185, Lungsod ng Caloocan ng mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng naturang distrito na nagresuslta sa pagkakaaresto kay alyas “Arnel”.
Nakumpiska sa suspek ang isang medium size heat-sealed transparent plastic sachet at isang knot-tied transparent plastic bag na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na tinatayang may bigat na 50 gramo at may Standard Drug Price (SDP) na Php340, 000; at isang genuine na Php500 na may kasamang walong Php1,000 boodle money na ginamit bilang buy-bust money.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang matagumpay na operasyon ng NPD ay sa pamamagitan ng gabay at suporta ni PBGen Penoñes, Jr na naglalayong maiwasan ang paglaganap ng ilegal na droga at ang masasamang epekto nito sa kalusugan.
Source: NPD PIO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos