Taguig City (December 23, 2021) – Sa pagsisikap at magandang ugnayan ng Pambansang Pulisya at Hukbong Sandatahan ng Pilipinas ay matagumpay na naisagawa ang Closing Ceremony ng Social Media Product Development and Management Training ng Class Kimat-Alibtak 2021, bandang alas dose ng Disyembre 23, 2021, sa Civil Military Operation School, Fort Bonifacio, Taguig City.
Kauna-unahang face to face Social Media Product Development and Management Training matapos ang “distance/online learning” na epekto ng pandemya. Nilahukan ito ng 86 na miyembro ng Police Community Affairs and Development Group, sa inisyatibo at pakikipag-ugnayan ni PBGen Eric Noble, ang Director ng PCADG, at sa pamunuan ng CMO School.
Dumalo rin sa seremonya si PMGen Bartolome Bustamante, Director, DPCR bilang Guest of Honor and Speaker kasama sina BGen Arvin R Lagamon, Regiment Commander, CMOR, LTC Genesis R Gabrido, Training Director, at ang mga masisipag na Training Instructor mula sa CMO School.
Sa kalagitnaan ng seremonya, ang mga espesyal na parangal ay ibinigay sa mga matagumpay na nagtapos. Kinilala at binigyang parangal ang tatlong (3) nangunguna sa klase na sina Pat Khnerwin Medelin (Top 1), Pat Kher Bargamento (Top 2) at Pat Viljon Comilang (Top 3), na nagpakita ng dedikasyon at huwarang pagganap sa loob ng 21 araw na pagsasanay sa nasabing paaralan.
Ang pagsasanay na ito ay idinisenyo upang mas lalo pang makilala ang “Social Media Product” bilang isa na ring “Armas” na magagamit ng ating kapulisan, “Armas” na hindi dahas ang idinudulot ngunit mga makabuluhang impormasyon na maaaring maging gabay sa pagpapalaganap ng mga mabuting adhikain at gawi ng ating mga kapulisan at tulay na rin upang mas mapagtibay ang ugnayan sa pagitan ng komunidad at pambansang pulisya.
######
Panulat ni: Patrolwoman Nica V Segaya