Taguig City — Arestado ng mga tauhan ng Taguig City Police Station ang isang lalaking miyembro ng Philippine Marines matapos mag-amok habang nasa impluwensya ng alak kung saan nadamay ang isang pusa matapos niyang barilin at mapatay nito lamang Linggo, Abril 9, 2023.
Kinilala ni Police Colonel Robert Baesa, Chief of Police ng Taguig CPS, ang suspek na si Sgt. Navata, 38, kasalukuyang nakatalaga sa PSG, Malacañang at naninirahan sa Barangay South Signal sa Taguig City.
Ayon kay PCol Baesa, nadakip si Sgt. Navata sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng Sub-station 6 ng Taguig CPS bandang 11:30 ng gabi sa kahabaan ng Banaba St., Barangay South Signal ng naturang lungsod sa kadahilanang pagbaril at pagpatay niya sa pusa ng kanyang kapitbahay.
Nakumpiska naman kay Navata ang isang unit na Glock .9 mm na may isang magazine na may walong piraso ng bala, isang 9 mm na empty shell, isang itim na sling bag at dalawang patay na pusa.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Illegal Discharge of Firearms sa ilalim ng RA 10591 at RA 8485 o Animal Welfare Act of 1998.
Nag-undergo naman ang suspek sa Medical/Physical Examination sa Taguig Pateros District Hospital at tinurn-over sa IDMS, Taguig CPS para sa masusing imbestigasyon.
Nagpaalala naman si PCol Baesa sa publiko na maging responsableng manginginom upang maiwasan ang anumang insidente kagaya ng nangyaring ito sa Taguig.
Source: Taguig CPS
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos