Cebu – Tinatayang nasa higit Php10 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska mula sa isang ginang na High Value Individual na suspek sa inilunsad na buy-bust operation ng PNP sa Sitio Sudlon, Barangay Maguikay, Mandaue City, Cebu nitong Sabado, Abril 8, 2023.
Kinilala ni Police Brigadier General Anthony Aberin, Regional Director ng PRO 7, ang suspek na si alyas “Minmin”, 44, residente ng Guinakot, Danao City.
Dakong alas-12:20 ng madaling araw nang ikasa ng mga miyembro ng City Intelligence Unit/City Drug Enforcement Unit, Mandaue City Police Office (MCPO), Regional Drug Enforcement Unit (RPDEU) 7, Cebu Provincial Intelligence Unit, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 7- Regional Special Enforcement Team, at Special Weapons and Tactics Team ng MCPO ang operasyon na humantong sa agarang pagkakaaresto nito makaraang makabili ang nagpanggap na poseur buyer ng droga mula rito.
Nasamsam mula sa suspek ang nasa isa’t kalahating kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php10,200,000; isang unit ng Violet Myphone cellular phone; at ang ginamit na buy-bust money.
Mahaharap ang naarestong suspek sa paglabag sa Sec. 5 at 11 Art. II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Patuloy naman ang buong hanay ng pulisya ng Central Visayas sa pagpapaigting at pagpapahusay ng kanilang mga hakbangin sa pagsusulong ng kaayusan, kaligtasan, at kapayapaan ng rehiyon.