Metro Manila — Sama-samang nakiisa sa “Bisikleta Iglesia” ang hanay ng mga kapulisan sa Metro Manila bilang paraan upang matiyak ang kahandaan sa operasyon ng mga tauhan ng PNP na naka-deploy sa Metro Manila partikular sa pagdiriwang ng Lenten Season nito lamang umaga ng Huwebes, ika-6 ng Abril 2023.
Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ni Officer-In-Charge ng PNP, si PLtGen Rhodel Sermonia kasama ang NCRPO Regional Director, PMGen Edgar Alan Okubo na aktibong nag-ikot sa mga lansangan sa pamamagitan ng pagbibisekleta.
Ang aktibidad ay nilahukan ng mga tauhan ng NCRPO kasama ang ilang volunteer bicycle enthusiasts kung saan binisita nila ang mga kilalang lugar ng convergence at mga lugar ng pagsamba sa loob ng Metro. Ilan sa mga site na binisita ay ang Minor Basilica of the Black Nazarene, Manila Cathedral, Malate Catholic Church, at National Shrine of Our Mother of Perpetual Help.
Ang “Bisikleta Iglesia” ay kaparehas ng “Visita Iglesia” kung saan ang mga pulis ay nagsasagawa ng pagpapatrolya sa mga lugar ng Metro Manila. Ang pamamaraang ito ay magbibigay-daan sa mga pulis na maabot ang mga lugar na hindi kayang pasukin ng mga patrol car upang mas mabilis na matugunan ang anumang insidente, at isa ito sa mga strategic anti-criminality program ng PNP.
Ginagarantiyahan ni PMGen Okubo, ang publiko na makikita at mararamdaman ang mga pulis ngayong panahon sa mga lansangan ng Metro Manila.
Kaugnay nito, ang mga tauhan ng PNP na namamahala sa Police Assistance Desk ay ilalagay sa mga lugar na nakikita ng publiko.
“Ang mga residente ng Metro Manila ay makatitiyak na ang inyong NCRPO ay palaging magtatrabaho upang magbigay ng ligtas at tapat na serbisyo,” sabi ni PMGen Okubo.
Source: PIO NCRPO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos