General Santos City – Agad na nasakote ng GenSan PNP ang mga kalalakihan na nagnakaw ng live chicken/manok sa Herana Poultry, Purok 8, Guadalupe, Brgy. Conel, General Santos City nito lamang ika-2 ng Abril 2023.
Ayon kay Police Major Carl Jayson Baynosa, Station Commander ng General Santos City – Police Station 4, sa siyam na naarestong suspek, pito rito ang naaresto na pawang trabahante ng naturang manukan at pawang residente ng Kiamba, Sarangani habang dalawang suspek naman ang naaresto na pawang residente ng Brgy. Mabuhay, General Santos City.
Ayon pa kay PMaj Baynosa, kaagad na nakapagsumbong ang may-ari ng manukan sa awtoridad patungkol sa ginagawang pagnanakaw ng pito nitong poultry boy.
Dinatnan naman ng mga rumespondeng pulisya ang pitong suspek na abala sa pagkakarga ng 40 piraso ng buhay na manok sa kanilang motorsiklo (Topdown Motorcycle).
Bukod sa pitong poultry boy, inaresto rin ang dalawang lalaki na bumibili ng nakaw na manok na may kabuuang halaga na Php2,000.
Mahaharap naman ang pitong suspek sa kasong Qualified Theft, habang kasong paglabag sa Anti-Fencing Law naman ang isinampang reklamo laban sa dalawang buyer.
“Ganyan ang GenSan PNP, kahit anong oras handa kaming maglingkod sa mamamayan,” saad ni PMaj Baynosa.
Panulat ni Patrolman Khnerwin Jay Medelin/RPCADU12