Cebu – Tinatayang nasa Php3.4 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska sa isang lalaki na umano’y tulak ng ilegal na droga sa isinagawang joint buy-bust operation ng pulisya sa Purok Orange, Lawaan 3, Talisay City, Cebu nito lamang Miyerkules, Marso 29, 2023.
Kinilala ni Police Colonel Rommel Ochave, Provincial Director ng Cebu Police Provincial Office, ang suspek na si alyas “Oking”, 40, residente ng Sitio Sapang Communidad, Brgy. Guadalupe, Cebu City.
Ayon kay PCol Ochave, ikinasa ang operasyon bandang 7:30PM ng gabi sa pinagsanib puwersa ng mga operatiba ng Police Intelligence Unit/Police Drug Enforcement Unit at Talisay City Police Station, CPPO na humantong sa pagkakaaresto sa suspek matapos makabili ng ilegal na droga ang isang pulis na nagpanggap na poseur buyer.
Nasamsam sa naturang suspek ang nasa 500 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na Php3,400,000 at buy-bust money.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sinabi ni PCol Ochave na ang buong hanay ng Cebu Police Provincial Office ay walang humpay at walang tigil sa mga operasyon laban sa ilegal na droga at lalo pang papaigtingin ang kampanya upang masakote ang mga indibidwal na nasa likod ng mga ilegal na gawain na ito.