North Cotabato – Tinatayang nasa Php340,000 halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska sa isang lalaki sa isinagawang buy-bust operation ng Pigcawayan PNP sa Bagsakan Area, Poblacion 3, Pigcawayan, Cotabato nito lamang Huwebes, Marso 23, 2023.
Kinilala ni Police Brigadier General Jimili Macaraeg, Regional Director ng Police Regional Office 12, ang nahuling suspek na si alyas “Nonoy”, 33, magsasaka at residente ng Brgy. Kiladap, Talitay, Maguindanao.
Ayon kay PBGen Macaraeg, dakong 6:23 ng gabi nang naaresto si “Nonoy” ng mga operatiba ng Pigcawayan Municipal Police Station, PPDEU-CPPO, 2nd CPMFC at PDEA 12.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang jumbo size plastic sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na 50 gramo at nagkakahalaga ng Php340,000 at isang pirasong Php1,000 bill na ginamit bilang buy-bust money.
Kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) naman ang isinampa laban sa suspek.
Ang matagumpay na operasyon ay patunay ng maayos at mahusay na pagpapaigting ng Pigcawayan PNP sa kampanya kontra ilegal na droga at maging sa hakbangin nito upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan ng komunidad.
Panulat ni Patrolman Khnerwin Jay Medelin/RPCADU12