Sultan Kudarat – Boluntaryong sumuko ang limang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa mga tauhan ng Sultan Kudarat Police Provincial Office, Isulan, Sultan Kudarat nito lamang ika-19 ng Marso 2023.
Ayon kay Police Brigadier General Jimili Macaraeg, Regional Director ng Police Regional Office 12, ang limang sumuko ay dating miyembro ng BIFF-Karialan Faction at pawang residente ng Maguindanao Province.
Bukod sa pagsuko ng limang Former Violent Extremists ay isinuko rin ng mga ito ang kanilang mga dekalibreng armas na kinabibilangan ng isang M16 rifle, isang Uzi Cal. 9mm, at isang homemade shotgun.
Matagumpay na sumuko ang lima dahil sa patuloy na isinasagawang negosasyon ng mga operatiba ng Provincial Intelligence Unit, Regional Intelligence Unit-9, PNP Intelligence Group, Regional Intelligence Division 12, Regional Mobile Force Battalion 12, National Intelligence Coordinating Agency 12, Criminal Investigation and Detection Group-Sultan Kudarat Provincial Field 12, Highway Patrol Group 12-Sultan Kudarat, at 1st Mechanized Brigade ng Philippine Army.
Ipinahayag naman ng mga sumuko na hindi na nila kinaya ang hirap sa patuloy na pagtatago lalo’t nakararanas sila ng gutom, pagod, at takot sa kanilang buhay. Kaya mas ninais ng mga ito na magbalik-loob sa gobyerno para mamuhay ng matiwasay kasama ang kanilang mga mahal sa buhay.
Pinuri naman ni PBGen Macaraeg ang mga operating troops sa matagumpay na operasyon at ang malaking kontribusyon sa mga pagsisikap tungo sa pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon ng SOCCSKSARGEN.
Panulat ni Patrolman Khnerwin Jay Medelin/RPCADU12