Cebu City – Timbog ang tinaguriang High Value Individual na drug suspek sa Regional Level matapos makuhanan ng nasa higit dalawang milyong halaga ng shabu sa inilunsad na buy-bust operation ng Police Station 10 ng Cebu City Police Office (CCPO) noong Lunes, Marso 13, 2023 sa Sitio Kadasig Phase 1, Brgy. Tisa, Cebu City.
Kinilala ni Police Major Janelito Marquez, Station Commander ng Police Station 10, ang naaresto na si “Roque”, 26, residente ng nabanggit na lugar.
Ayon kay Police Major Marquez, dakong alas-9:30 ng gabi ng ikasa ng mga operatiba ang operasyon laban sa suspek, matapos makabili ang nagpanggap ng poseur buyer ng isang sachet ng shabu mula sa suspek na agad itong naaresto ng mga awtoridad.
Nasamsam sa suspek ang nasa 18 sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 300 gramo at nagkakahalaga ng Php2,040,000, isang sling bag, at ang buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Siniguro naman ng buong hanay ng PS 10 ng CCPO na mas lalo pa nilang pagbubutihin ang pagpapaigting ang kampanya kontra ilegal na droga para matiyak ang kaayusan, kaligtasan, at kapayapaan ng mamamayan sa kanilang nasasakupan.