Bohol – Muling nagtulungan ang mga tauhan ng Talibon Municipal Police Station at mga miyembro ng Diocese Church upang maisakatuparan ang programang Balay sa Kabus sa Brgy. Guindacpan, Talibon, Bohol nito lamang ika-11 ng Marso 2023.
Ito ay pinangasiwaan ni Police Major Joseph Lopena, Officer-In-Charge ng Talibon Municipal Police Station katuwang si Hon. Crisologo T Crisologo, Balay sa Kabus Coordinator, Faith-Based Group at iba pang volunteers ng nasabing lugar.
Ang Programang Balay sa Kabus ay naglalayong mabigyan ng bahay ang mga pamilyang kapus-palad at walang kakayahang makapagpatayo ng sariling bahay, kung saan nabuo ito mula sa mga donasyon at mga taong walang sawang sumusuporta sa naturang programa.
Iginawad ang ika-70 ng Programang Balay sa Kabus sa mag-asawang sina Tatay Oldarico at Constantina Cruz na may 12 anak at higit sa 20 apo at nakikitira sa kanyang magulang sapagkat ang kanilang bahay ay nawasak dulot ng bagyong Odette na tumama noong 2021. Si Tatay Oldarico ay 60-anyos na tubong isla at ang hanapbuhay ay pangingisda kahit na siya ay may iniinda na sakit sa bato.
Taos pusong pasasalamat ang naging pahayag ng mag-asawa dahil sa pamamagitan ng programang KASIMBAYANAN ay patuloy na naipapamalas ng ating kapulisan kaagapay ang religious sector at maging ang simpleng mamamayan ang pagpapanatili ng “Bayanihan” sa bawat Bol-anon tungo sa mapayapa at maunlad na bansa.