Bohol – Tinatayang nasa halos kalahating milyon ng shabu ang nasamsam ng kapulisan mula sa mga drug suspek na naaresto sa inilunsad na buy-bust operation sa Panglao, Bohol noong Biyernes, Marso 3, 2023.
Kinilala ni Police Colonel Lorenzo Batuan, Provincial Director ng Bohol Police Provincial Office (BPPO) ang suspek na si alyas “Popot”, 21, kabilang sa talaan ng High Value Individual at ang kasamahan nito na si alyas “Jervie”, 27.
Ayon kay PCol Batuan, dakong ala-1:45 ng madaling araw ng ikasa ng mga operatiba ng Provincial Intelligence Unit (PIU) at Panglao Police Station ang operasyon sa Purok 1, Barangay Looc ng naturang bayan na humantong sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Nakumpiska sa mga naaresto ang nasa 60 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price (SDP) na Php408,000, isang cellular phone, isang black sling bag na ginamit bilang lagayan ng droga, isang unit ng Mio Sporty at Honda beat, at ang ginamit na buy-bust money.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sec. 5 at 11, Art. II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Tiniyak naman ng buong hanay ng kapulisan ng Bohol PPO na hindi sila titigil sa pagpapatupad ng kanilang tungkulin at hakbangin upang lutasin ang problema sa ilrgal na droga sa buong probinsya at masiguro ang kaayusan, kapayapaan, at kaligtasan ng mamamayan na sakop nito.