Cebu City – Tinatayang nasa Php13.6 milyong halaga ng ilegal na droga ang nasamsam sa buy-bust operation ng PNP at PDEA mula sa isang tulak ng droga sa Sitio Caimito, Brgy. Basak, San Nicolas, Cebu City noong Sabado, Pebrero 25, 2023.
Kinilala ni Police Major Jonathan B Taneo, Station Commander ng Police Station 11 ng Cebu City Police Office, ang suspek na kinilalang si alyas “Ariel Bungot”, 32, residente ng Sitio Villabusca, Brgy. Bulacao, Talisay City, Cebu.
Ayon kay PMaj Taneo, naaresto ang suspek dakong alas-11:10 ng gabi nang ikasa ng mga miyembro ng Police Station (PS) 11, City Drug Enforcement Unit (CDEU) Cebu City Police Office (CCPO) at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 7 ang buy-bust operation.
Nakumpiska mula sa suspek ang nasa 2000 gramo ng hinihinalang shabu na may halaga na Php13,600,000, isang backpack bag, isang black weighing scale, isang black na VIVO cellphone, at buy-bust money.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sec. 5 at 11, Art. II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Patuloy naman ang pagpapaigting ng Cebu City PNP katuwang ang PDEA sa mga hakbangin nito para sa mapagtagumpayan na kampanya kontra ilegal na droga at maging sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa lungsod.