Quezon City — Arestado ang dalawang drug pusher na lalaki sa isinagawang buy-bust operation ng QCPD Drug Enforcement Unit (DEU) nito lamang Sabado, Pebrero 25, 2023.
Kinilala ni DDEU Chief, Police Major Hector Ortencio, ang mga suspek sa pangalang Jonathan, 19, residente ng Brgy. Culiat, Quezon City at Jesmon, 31, residente naman ng Brgy. Old Balara, Quezon City.
Ayon kay PMaj Ortencio, bandang 9:40 ng gabi nang maaresto ang dalawang suspek dahil sa sumbong ng confidential informant hinggil sa ilegal na gawain sa harap ng Iglesia ni Cristo, Luzon Ave., Brgy. Matandang Balara 2, Quezon City.
Nakumpiska sa mga suspek ang humigit-kumulang 18 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng Php122,400.00, isang itim na pouch, dalawang cellular phone, at buy-bust money.
Samantala, kinasuhan naman ang mga suspek ng paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinuri naman ni QCPD Director PBGen Nicolas Torre III, ang mga operatiba ng DDEU sa kanilang tuluy-tuloy at agresibong anti-illegal drugs operations. “Patuloy ang ating mahigpit na kampanya laban sa ilegal na droga upang atin itong masugpo. Muli, hinihingi ko po ang kooperasyon ng ating mga mamamayan na magsumbong kung may alam na ilegal na gawain sa kani-kanilang mga lugar,” saad niya.
Source: PIO QCPD
Panulat ni: PSSg Remelin M Gargantos