Bilang pagkilala sa hirap at sakripisyo ng isa sa pinakamahalagang bahagi ng ating lipunan, nitong araw ng mga puso ay matagumpay na isinagawa ng mga tauhan ng Police Regional Office 7 ang Programang Gugma Og Gasa Alang sa Mag-uuma sa Sitio Gubang Bukid, Brgy. Adlaon, Cebu City, nito lamang Pebrero 14, 2023.
Ang aktibidad ay pinangunahan ng Regional Director ng PRO 7, Police Brigadier General Jerry Bearis, na masugid na nilahukan at sinuportahan ng mga pamunuan at miyembro ng Regional Community Affairs and Development Division (RCADD), Regional Health Service, Regional Legal Service, Regional Police Community Affairs and Development Unit, Cebu City Police Office (CCPO), at ang mga opisyales ng naturang barangay.
Ayon kay Police Colonel Ireneo Dalogdog, City Director ng CCPO, layunin ng aktibidad na ipadama sa mga residente higit na sa mga magsasaka na siyang naging benepisyaryo ng programa ang pagmamahal at pagkalinga ng kapulisan sa mga ito.
Dagdag pa niya, na ang “Gugma Og Gasa Alang sa Mag-uuma” o “Love and Gift for the Farmers”, ay bahagi ng programa ng pamahalaan na National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
“Itong Love and Gift for the Farmers ay parte ng programa ng gobyerno na National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, na kung saan tayo ay talagang agresibo at aktibo doon sa programa natin upang ang populace ng Barangay Adlaon dito sa mountainous area ng Cebu City ay hindi na sila malinlang pa ng Communist Terrorist Group,” ani Police Colonel Dalodog.
Kabilang sa mga naging kaganapan sa aktibidad ay ang pamamahagi ng nasa mahigit 100 pares ng bota sa mga benepisyaryo, tuwalya, bola, unan na korteng puso at mga rosas, libreng legal at medical consultation, at ang valentine basketball exhibition game sa pagitan ng CCPO Thunder Cops at Hoopster Basketball Club.
Labis naman ang tuwa at pasasalamat ng mga naging benepisyaryo ng programa sa handog at pagmamahal ng kapulisan.