Cagayan de Oro City – Boluntaryong sumuko sa mga awtoridad ang tatlong miyembro ng Communist Terrorist Group sa Cagayan de Oro City nito lamang ika-13 ng Pebrero 2023.
Sa pangunguna ng mga tauhan ng Cagayan de Oro City – Police Station 8 kasama ang City Intelligence Unit at City Mobile Force Company sa ilalim ng pamumuno ni Police Colonel Aaron Mandia, City Director ng Cagayan de Oro City Police Office ay kusang-loob na bumalik sa kamay ng mga awtoridad ang tatlong CTG members.
Kinilala ni PCol Mandia ang mga sumuko na sina alyas “Marjon”, organizer ng Platoon ng HUAWEI ng SRC5, 32, residente ng Brgy. Besigan, Cagayan de Oro City; alyas “Joven”, 22, at “Albert”, 38, na pawang mga residente ng Sitio Tambo, Brgy. Dansolihon, Cagayan de Oro City.
Kasabay ng kanilang pagsuko ay ang pagturn-over ng kanilang mga armas na Blasting Cap, Detonating Cord, isang improvised 12-gauge shotgun, isang magazine at isang Fragmentation Grenade.
Ang mga sumuko ay hangad lamang ang pagbabago sa kanilang buhay kaya napagdesisyunan ang pagbabalik-loob sa pamahalaan upang makamtan ang tunay na kasarinlan.
Panulat ni Patrolman Joshua Fajardo/RPCADU10