Arestado ang lider ng “Bolt Cutter Gang” na isang Robbery Group sa isinagawang buy-bust operation ng pinagsanib na pwersa ng CIDG Regional Field Unit 6 kasama ang mga tauhan ng Pototan Municipal Police Station, Provincial Intelligence Branch ng Iloilo Police Provincial Office at ng 602nd Company ng Regional Mobile Force Battalion 6 noong ika-8 ng Disyembre, 2021 sa Brgy. Purog, Pototan, Iloilo matapos makumpiska ang mga iligal na baril, pampasabog at iligal na droga.
Kinilala ng team leader ng CIDG Iloilo City Field Unit ang suspek na si Josua Larroza y Peronce alyas “Josua” ng Brgy. Lopez Jaena, Pototan, Iloilo.
Naaresto ang suspek matapos magbenta ng mga hindi lisensyadong baril sa mga nagpanggap na buyer na mga operatiba ng CIDG at narekober sa kanya ang isang (1) unit na Caliber .38 Revolver Smith Wesson na walang serial number at may limang (5) bala.
Nakuha rin mula sa suspect ang tatlong (3) pirasong heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng puting crystalline substance na hinihinalang Methamphetamine hydrochloride o “shabu”, isang (1) pirasong fragmentation hand grenade, isang (1) pirasong kahon para sa fragmentation hand grenade, isang (1) pirasong 500 peso bill bilang buy-bust money na may serial number na CK694226; Anim (6) na pirasong bill boodle o fake money na tig Five Hundred Pesos (P500.00); isang (1) pirasong lighter color orange; isang (1) unit ng cellphone ViVo touch screen color maroon; isang (1) unit Raider 150 motorcycle color matt red at susi nito kasama ang O.R. nito at isang (1) pirasong itim na sling bag.
Kaagad namang isinagawa ang imbentaryo ng mga nakumpiskang gamit matapos ang pagkakaaresto ng nasabing suspek sa presensya ng Brgy. Kapitan ng Lopez Jaena na si Richard Lagat na nagsilbing witness.
Mga kasong kriminal para sa paglabag sa RA 10591 at 9516 (Illegal Possession of Firearms and Explosives), paglabag sa Section 11 at Section 12, Article II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) ang kahaharapin ng suspect kabilang na ang Violation of Art 151 of the RPC o Resistance and Disobedience to a Person in Authority ang isasampa laban sa nasabing suspek na pansamantalang nakakulong sa CIDG Iloilo City Field Unit at ang mga nakumpiskang hinihinalang shabu ay isinumite sa PNP Crime Laboratory Service para sa qualitative at quantitative examination.
Patuloy ang pagtugis ng CIDG 6 sa pakikipagtulungan ng Police Regional Office 6 sa mga kriminal o masasamang loob sa nasabing rehiyon upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan ng nasasakupan.
#######
Panulat ni: Patrolwoman Darice Anne Regis
Serbisyong Tunay Yan ang mga Kapulisan
great! let’s go PNP!