Cagayan – Patuloy na umarangkada ang Libreng Pabahay Project ng Valley Cops kung saan isa na namang Blessing at Turnover ng bagong bahay ang naganap nitong Martes, Pebrero 7, 2023 sa Brgy. Tucalan Passing, Lasam, Cagayan.
Pinangunahan ang aktibidad ni Police Brigadier General Percival A Rumbaoa, Acting Regional Director ng Police Regional Office 2 at dinaluhan ng mga kapulisan sa rehiyon, stakeholders, at mga miyembro ng Lokal na Pamahalaan ng Lasam.
Mangiyak-ngiyak na tinanggap nina Ginoo at Ginang Bobby Acedo ng Brgy. Tucalan, Passing ng Lasam ang symbolic key na sumisimbolo ng kanilang bago, matibay, at maayos na tahanan mula sa mga opisyales ng PRO2.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Wilhelmino S Saldivar Jr., Force Commander ng 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company, Enero ng taong 2022 nang makilala ng mga kapulisan si Kuya Bobby at nakita nila ang mahirap na pamumuhay ng mga ito.
Nakatira lamang ang kanyang pamilya sa isang maliit na barung-barong na tuluyang nasira noong sumalanta ang Bagyong Ompong. Agad siyang naging parte ng kanilang Adopt a family Program at kalaunan ay napili nilang maging benepisyaryo ng kanilang pangalawang Libreng Pabahay Project.
Naging emosyonal ang mag-asawang Acedo sa kanilang mensahe kung saan pinasalamatan nila ang buong hanay ng PRO2 sa kanilang hindi matatawarang tulong para sa kanilang pamilya.
Samantala, sa kanyang mensahe, pinuri ni RD Rumbaoa ang mga kapulisan ng 2nd PMFC sa pagsasagawa at pagpupursigeng matapos ang naturang proyekto.
“Layunin ng PRO2 na patuloy na umunlad ang pamayanan saklaw ang PNP Community Projects. Sa pamamagitan ng paglikha ng matibay na pundasyon, tulad ng munting bahay na ito, isang patunay na ang PNP Valley Cops ay nakatuon hindi lamang sa kapayapaan at seguridad ng mamamayan kundi sa pag-unlad sa buhay ng tao at pamayanan”, dagdag pa ni PBGen Rumbaoa.
Naisakatuparan ang aktibidad sa pagsisikap ng 2nd Cagayan PMFC, Cagayan Police Provincial Office, LGU Lasam, iba’t ibang stakeholders, at mga opisyales ng nabanggit na barangay.
Source: PRO2 RPIO
Panulat ni Police Staff Sergeant Mary Joy D Reyes