Capiz – Dalawang indibidwal kabilang ang isang babae ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba ng Provincial Police Drug Enforcement Unit-Capiz PPO sa Brgy. Banica, Roxas City, Capiz nito lamang ika-8 ng Pebrero 2023.
Ang naturang buy-bust ay pinangunahan ni Police Major Leomindo Tayopon, Unit Chief ng PPDEU sa ilalim ng pangangasiwa ni Police Colonel Jerome Afuyog Jr, OIC ng Capiz PPO.
Kinilala ni PMaj Tayopon, ang mga suspek na sina “Dennis” 48, welder, residente ng Brgy. Lawaan, Roxas City, at si “Jurelyn”, 22, senior high undergraduate, residente ng Brgy. Culajao, Roxas City, pawang mga High Value Individual sa naturang lugar.
Sa kanilang pagkakaaresto ay narekober mula sa posesyon ni Dennis ang 16 piraso na pakete na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na may kabuuang timbang na 250 gramo at nagkakahalaga ng Php1,700,000, kabilang ang isang weighing scale, black sling bag, cellphone, buy-bust money at iba pang non-drug items.
Mahaharap ngayon ang dalawa sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang matagumpay na operasyon ay bunga ng walang tigil at mas pinaigting na kampanya ng Capiz PNP kontra ilegal na droga upang mapanatili ang kaayusan sa kanilang nasasakupan.