Parañaque City – Arestado ang limang suspek matapos makumpiska ang umaabot sa Php183,600 halaga ng umano’y shabu sa isinagawang buy-bust operation ng Southern Police District nito lamang Sabado, Enero 28, 2023.
Kinilala ni SPD Director, Police Brigadier General Kirby John Kraft, ang mga suspek sa pangalang John Bernard, 30, at Crislyn, 24, pawang mga drug pusher at kabilang sa mga High Value Individuals; James Jason, 32; James Jepherson, 24; at Bernard, 25.
Ayon kay PBGen Kraft, bandang 6:00 ng gabi nang maaresto ang mga suspek sa Room P, Laguna Bay Inn, East Service Road, Brgy. San Martin De Pores, Parañaque City ng pinagsanib puwersa ng DDEU-SPD, DID-SPD, DSOU-SPD, DMFB-SPD, PDEA-SDO, at Sub-Station 8 ng Paranaque City Police Station.
Nasabat ng mga operating unit ang pitong heat-sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu na humigit kumulang 27 gramo ang bigat at nagkakahalaga ng Php183,600, isang Oppo Cellular phone, Php6,000 na boodle money at Php500 na buy-bust money.
Paglabag sa Sections 5 at 11, Art II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kahaharapin ng limang nahuling suspek.
Sinisigurado naman ni PBGen Kraft na patuloy ang pagsasagawa ng kanyang hanay ng mga operasyon laban sa ilegal na droga at anumang uri ng kriminalidad para sa katahimikan at kaayusan ng Southern Metro.
Source: SPD PIO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos