Cebu City – Kalaboso ang tatlong lalake sa Cebu kabilang ang dalawang Indian National matapos makuhanan ng libo-libong halaga ng ilegal na droga sa inilunsad na buy-bust operation ng Police Station 5 ng Cebu City Police Office sa Manalili St., Barangay Ermita, Cebu City noong Enero 24, 2023.
Kinilala ni Police Major Keneth Paul Albotra, Station Commander, ang mga nadakip na si alyas “Jude”, 27, residente ng Sitio Avocado Barangay Mambaling at ang dalawang banyaga na sina “Maheshwaran”, 23, at “Arghya”, 24, kapwa naninirahan sa Barangay Banilad Cebu City.
Ayon kay Major Albotra, naaresto ang mga suspek dakong alas-8:55 ng gabi sa nabanggit na lugar nang makabili sa isa sa mga suspek ang nagpanggap na poseur buyer at makumpirma ang tungkol sa ilegal na aktibidad.
Nakumpiska mula sa mga naaresto ang ilang piraso ng nakarolyong papel na naglalaman ng hinihinalang Marijuana na may tinatayang timbang na 200 gramo at nagkakahalaga ng nasa Php24,000 at buy-bust money.
Ang matagumpay na operasyon ay bahagi ng patuloy na pagpapaigting na kampanya ng PNP kontra ilegal na droga at kaugnay sa Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO).