Cagayan de Oro City – Ginunita ng Police Regional 10 ang magiting na sakripisyo ng nasawing 44 na miyembro ng PNP-Special Action Force, na namatay walong taon na ang nakararaan sa Anti-Terrorism Operation na tinawag na Oplan Exodus sa Mamasapano Maguindanao, isa sa mga hindi malilimutan na insidente sa kasaysayan ng serbisyo ng pulisya nito lamang Miyerkules, Enero 25, 2023.
Ang pagdiriwang ng Pambansang Araw ng Pag-alala ay alinsunod sa Presidential Proclamation No. 164, na inilabas ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, na nagdedeklara sa ika-25 ng Enero bawat taon, bilang isang araw ng National Remembrance at parangal sa kabayanihang pagkamatay ng 44 na PNP-SAF elite troopers.
Isang wreath laying ceremony kasama ang mga pamilya ng ilang miyembro ng SAF 44 na nagmula sa Rehiyon 10 ang isinagawa sa pangunguna ni Police Major General Eliseo Cruz, Director for Investigation and Detective Management kasama si Police Brigadier General Lawrence Coop, Regional Director ng Police Regional Office 10.
Kasabay ng pag-alay ng bulaklak ang 21 Gun Salute at sounding of TAPS na sumisimbolo ng pagbibigay pugay sa kagitingan at kabayanihan ng SAF 44 na nag-alay ng buhay sa pagtupad ng tungkulin upang mapanatili ang kapayapaan sa ating inang bayan.
Nagmula ang tatlong miyembro ng SAF 44 sa Hilagang Mindanao na sina PO2 Chum Agabon at PO2 Romeo Senin II mula sa Iligan City at si PO2 Godofredo Cabanlet na nagmula sa Lanao del Norte.
Ang pagpupugay ng SAF 44 ay sumisimbolo ng kabayanihang walang katumbas na nakaukit na sa kasaysayan ng Pambansang Pulisya na magiging inspirasyon ng lahat ng miyembro upang gampanan ang sinumpaang tungkulin.
Panulat ni Patrolman Johmel Tan/RPCADU10