Tawi-Tawi – Narescue ang lima pang babae na pinaniniwalaang biktima ng human trafficking patungong Malaysia ng mga kapulisan sa Sanga-Sanga Airport, Bongao, Tawi-Tawi nitong ika-20 ng Enero 2023.
Ayon kay Police Colonel Peter Madria, Chief ng Aviation Security Unit, Bangsamoro Autonomous Region, naisagawa ang rescue operation matapos magbigay ng impormasyon ang Municipal Inter-Agency Committee Against Trafficking (MIACAT) ng Bongao, Tawi-Tawi Office sa Sanga-Sanga Airport Police Station kaugnay sa pagdating ng lima pang karagdagang babae na papuntang Malaysia.
Lumalabas sa imbestigasyon na ang naturang grupo ay parehong kaso ng naunang 9 na babae na biktima rin ng human trafficking sa nasabing paliparan kamakailan lamang.
Gaya ng naunang kaso, nirecruit din ang grupo ng nagngangalang Virginia Gerly Egipto na nangako ng magandang trabaho sa bansang Malaysia. Habang binigay din sa kanila bilang contact person si Johani upang susundo at tutulong sa kanila makaalis sa bansa patungong Malaysia.
Samantala, hinimok naman ni PBGen Anthony A Aberin, Director, AVSEGROUP ang publiko na maging mabusisi sa mga pinag-aaplyan na trabaho habang pinuri rin niya ang mga operatiba sa matagumpay na pagrescue sa nasabing mga biktima at tiniyak na mas paiigtingin pa nila ang pagbabantay sa naturang paliparan.