Naga City – Tinatayang Php13,600,000 na halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska sa mag-asawang galing pa Laguna sa inilunsad na High Impact Operation ng mga operatiba ng PRO 5 sa Diversion Road, Zone 5, Barangay Tabuco, Naga City nito lamang Enero 19, 2023.
Kinilala ni PCol Nelson Pacalso, City Director ng Naga City Police Office ang naarestong mag-asawang suspek na sina Nelynn M. Tobias, 40 at Ernan C. Tobias, 45 at parehas na residente ng Sitio Uno, Barangay Patimbao, Santa Cruz, Laguna.
Ayon kay PCol Pacalso, bandang 9:11 ng gabi ng maaresto ang mag-asawang suspek sa nabanggit na lugar ng pinagsanib na mga operatiba ng Office of Deputy Regional Director for Operation-Regional Police Drug Enforcement Unit 5 (ODRDO-RPDEU5) Team Naga/ Cam. Sur, Naga City Police Drug Enforcement Unit, Naga City Police Office, Police Station 5 SDEU, Naga City Mobile Force Company, Regional Intelligence Division, Regional Special Operation Unit 5, PDEG, SOU5, 501st RMFB5, Camarines Sur Provincial Intelligence Unit, SDEU, Milaor MPS at sa pakikipag-ugnayan sa PDEA RO5.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang tatlong piraso ng selyadong plastik na pakete ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na dalawang kilo at nagkakahalaga ng Php13,600,000.
Narekober din mula dito ang isang yunit ng Taurus cal 9mm pistol na kargado ng apat na bala.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ang PNP Bikol ay patuloy sa pagpapaigting ng mga operasyon kontra ilegal na droga upang mahuli at mapanagot ang mga taong nagpapalaganap nito sa rehiyon para makamit ang isang maayos at ligtas na komunidad.
Source: PNP Naga NCPO