Negros Oriental – Kalaboso ang isang 24-anyos na drug suspek sa Negros Oriental matapos makumpiskahan ng pulisya ng tinatayang nasa Php183,600 halaga ng shabu sa inilunsad na buy-bust operation nito lamang Martes, Enero 17, 2023.
Kinilala ni Police Colonel Reynaldo Lizardo, Acting Provincial Director ng Negros Oriental Police Provincial Office (NOPPO), ang suspek na si Myresse Bustillo Paras, residente ng Brgy. Bantayan, Dumaguete City.
Ayon kay PCol Lizardo, nadakip ang suspek dakong 9:30 ng gabi sa joint operation ng mga tauhan ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), Sibulan Municipal Police Station (MPS), at ng PDEA sa Purok Maisda-on, Brgy. Lo-oc, Sibulan, Negros Oriental.
Kabilang sa mga nasamsam sa suspek ang nasa 27 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na Php183,600 at buy-bust money na Php1000.
Nahaharap ang suspek sa paglabag sa Sec. 5 at 11, Art. II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Bunga ng matagumpay na operasyon, pinuri at muling hinikayat ni Police Colonel Lizardo ang buong lakas ng NOPPO na ipagpatuloy ang mahusay at maayos na pagpapatupad na hakbang upang sugpuin at hulihin ang mga personalidad sa likod ng problema sa ilegal na droga sa buong probinsya para sa hinahangad na maayos, ligtas at mapayapa na komunidad.