Taguig City — Arestado ang isang lalaking Chinese National matapos magtangkang manuhol sa dalawang pulis na nakaassign sa Sub-Station 1 ng Taguig City Police Station nito lamang Sabado, Enero 14, 2023.
Kinilala ni NCRPO Regional Director, PMGen Jonnel Estomo, ang suspek na si Yi Miu, 24, binata, at residente ng Solimare, Pasay City.
Ayon kay PMGen Estomo, bandang 5:20 ng madaling araw nang maaresto ang suspek sa Sub-Station 1 Office na umano’y nag-alok ng pera sa mga umaarestong pulis na sina Pat Hever Caspe at Pat Mark Leonard Arcilla kapalit ng kalayaan ng kanyang mga kaibigang Intsik na dating inaresto dahil sa pangingikil sa isang babae na kanilang ninakawan kasabay ng pagkarekober sa kanilang possession ng ilegal na droga.
Nagkakahalaga ng Php182,000 na panuhol naman ang nakuha sa suspek. Narekober din ang isang kalibre 9mm Viper 2 na baril, isang magazine na may pitong live ammunition, at isang Toyota Vios na may plate No. DAQ-2795
Reklamo para sa Corruption of Public Officials at Illegal Possession of Firearms ang kahaharapin ni Yi Miu.
Binati naman ni PMGen Estomo ang dalawang pulis sa kanilang katapatan sa pagtupad ng kanilang sinumpaang tungkulin.
Aniya, “Ang pagkilos ng ating kasamahan na ito upang labanan ang tukso at sa pagganap ng kanilang mandato sa kabila ng pag-aalok ng suspek ng malaking halaga ay ilan sa mga katangian na inaasahan ng mamamayan mula sa PNP. Karapat-dapat silang purihin sa ipinakita nilang katapatan at dedikasyon sa kanilang propesyon. Hinihimok ko ang lahat ng iba pang mga pulis na mamuhay ayon sa ipinakitang halimbawa ng ating mga kasama mula sa SPD-Taguig CPS.”
Source: PIO_NCRPO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos