Cebu – Nasamsam ng pulisya ang Php7.1 milyong halaga ng shabu sa naarestong 21 taong gulang na tulak ng droga sa buy-bust operation na isinagawa sa Brgy, Tayud, Liloan, Cebu, noong Biyernes, Enero 13, 2023.
Kinilala ni Police Colonel Rommel Ochave, Acting Provincial Director ng Cebu Police Provincial Office, ang suspek na si alyas “Raprap”, 21, residente ng Sitio Magsaysay, Brgy. Pasil, Cebu City at kabilang sa talaan ng High Value Individual (Provincial Level).
Nakuha mula sa suspek ang nasa 1.050 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php7,140,000, isang sling bag, cellphone at buy-bust money.
Isinagawa ang operasyon matapos makatanggap at maberipika ng mga tauhan ng Provincial Intelligence Unit, Provincial Drug Enforcement Unit at Liloan Municipal Police Station ang mga ulat tungkol sa aktibidad ng ilegal na droga ng suspek.
“Patuloy pa din ang ating operation laban sa ilegal na droga dito sa Cebu Province, marami tayong mga huli ngayong araw, ito ang pinakamalaki. And despite yung ating 600 personnel ay nakadeploy para sa Sinulog, hindi tayo tumitigil sa operation natin sa anti-illegal drugs”, ani PCol Ochave.
Ang Cebu PPO ay tuloy-tuloy sa pagsugpo sa mga aktibidad ng ilegal na droga maging anumang kriminalidad sa lalawigan ng Cebu at tinitiyak nito na ang hanay ng Cebu PNP ay hindi sangkot sa anumang ilegal na aktibidad bunsod sa panawagan ni SILG Benhur Abalos na courtesy resignation para sa mga full-pledge colonel at general na maaaring sangkot sa ipinagbabawal na gamot.