Pasay City – Pinuri ng Alkalde ng Maluso, Basilan Hanie Bud, ang mga miyembro ng Aviation Security Group at iba pang Airport Authority sa Ninoy Aquino International Airport dahil sa pagkakabalik ng naiwan nitong bag na naglalaman ng 1.4 million pesos sa Terminal 2 ng naturang paliparan.
Noong hapon ng Enero 4, natagpuan ng mga awtoridad sa paliparan ang mga bagahe sa pagitan ng Bays 8 at 9 sa NAIA Terminal 2.
Agad namang nagsagawa ang mga miyembro ng EOD/K9 Unit at mga tauhan ng AVSEGROUP ng pagsusuri sa bagahe at itinurn-over sa Lost and Found Section ng NAIA-2.
Sa Facebook post ni Mayor Bud, binigyang pagkilala nito ang mabuting gawa na ipinamalas ng AVSEGROUP na ayon dito ay dapat kaparisan ng iba.
Pinuri naman ni PBGen Aberin ang hindi patitinag na pangako ng AVSEGROUP na tunay na sumasalamin sa tunay na diwa ng isang public servant.
“Hinahamon ko ang bawat tauhan ng yunit, na maging matuwid sa moral at gampanan ang kanilang mga tungkulin nang may integridad dahil ito ang kalidad ng mga lingkod-bayan na inaasahan sa atin ng publiko. Nawa’y ang kapuri-puring gawaing ito ay mag-udyok sa iba na magkaroon ng mas magandang pananaw at tamang saloobin bilang public servants”, saad pa nito.