La Union – Arestado ang tatlong suspek sa magkahiwalay na insidente ng pagnanakaw sa isinagawang checkpoint operation ng Cabugao PNP sa Cabugao, Ilocos Sur nito lamang Sabado, ika-7 ng Enero 2023.
Kinilala ni Police Major Juan Jhayar Maggay, Chief of Police ng Cabugao PNP, ang mga suspek na sina Marlon Padaco y Galap, 31, driver; Ceasar Mangamling y Bastog, 41, gardener, parehong nakatira sa Brgy. Tapapan, Bauko, Mt. Province; at Milton Padaco y Galap, 35, driver, tubo sa Brgy. Lagawa, Bauko, Mt Province at kasalukuyang nakatira sa Brgy. Tamurong, Candon City, Ilocos Sur.
Ayon kay PMaj Maggay, bandang alas 12:00 ng madaling araw nang maaresto ang tatlong suspek matapos nilang magsagawa ng Checkpoint Operation nang naiulat ang insidente ng pagnanakaw sa Bauang, La Union kung saan hinalughog ng mga suspek ang bahay ni Hon. Virginia Ardina, incumbent President ng Liga ng mga Barangay, noong Enero 4, 2023.
Dagdag pa ni PMaj Maggay, humigit kumulang Php423,000 ang nakuha ng mga biktima sa loob ng kanilang bahay at kinuha sa kanilang sasakyan ang sling bag ni Mr. George Picardal na naglalaman ng cash na nagkakahalaga ng Php100,000, bank book, ATM card, at isang Cal. 45 MAC pistol.
Batay sa CCTV footage, napag-alaman ng mga biktima na tumakas ang mga suspek gamit ang Toyota Innova na may plate number na AAK 6113.
Narekober sa kanilang pag-aari ang dalawang (2) Cal.45 Pistols, isang (1) hand grenade, isang (1) Glock 9MM Pistol, bolt cutter, 28 pcs live ammos para sa cal 45, 18 pcs live ammos para sa 9MM, white crystalline substance pinaniniwalaang shabu, limang (5) cellular phone (4 touch screen at 1 keypad) at iba pang personal na gamit.
Samantala, pagkatapos ng malapit na koordinasyon sa mga awtoridad, positibong kinilala ni G. George Picardal ang narekober na Cal. 45 MAC bilang kanyang baril na ninakaw sa kanilang bahay sa Bauang noong Enero 4, 2023.
Sa kabilang banda, ang Glock 9 MM pistol ay nadiskubre rin na ninakaw mula kay A1 First Class Rienel Arcona at Airwoman Josea Mariz Sarabia, kapwa miyembro ng Philippine Air Force na nakabase sa Villamor Airbase, Pasay City sa insidente ng pagnanakaw sa kanilang pananatili sa Ohana Transient House, Brgy. Saud, Pagudpud, Ilocos Norte noong Disyembre 23, 2022.
Source: PRO1 Public Information Office
Panulat ni PSSg Lhenee B Valerio