Naga City – Tinatayang Php3,604,000 halaga ng ilegal na droga na tumitimbang ng 530 gramo ang nakumpiska sa tatlong High Value Individual sa ikinasang buy-bust operation ng PRO5 sa Almeda Highway, Barangay Concepcion Pequeña, Naga City nito lamang Disyembre 13, 2022.
Kinilala ni PCol Nelson Pacalso, City Director ng Naga City Police Office, ang mga suspek na sina Benjamin U. Fernandez, 35, residente ng Zone 4, Barangay San Francisco, Iriga City; Melrose M. Del Rosario, 35 at asawa nitong si Lolito S. Del Rosario, 40, parehas residente ng Zone 5, Barangay Balatas, Naga City.
Ayon kay PCol Pacalso, bandang 5:40 ng madaling araw ng masakote ang mga suspek sa nabanggit na lugar ng pinagsanib na mga operatiba ng Regional Police Drug Enforcement Unit 5, Naga City Intelligence Unit, Naga City Police Office, Naga City Police Station 2-Station Drug Enforcement Unit, 501st RMFB5, PDEG SOU5, RID-RSOU5, Camarines Sur 2nd PMFC at Pili MPS.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinuri naman ni PBGen Rudolph Dimas, Regional Director ng PRO5 ang mga operating team para sa matagumpay na pagkakatimbog sa mga nasabing tulak ng droga.
Ang PNP PRO5 ay patuloy sa paglulunsad ng mga operasyon upang matigil ang paglaganap ng ipinagbabawal na droga sa buong rehiyon at mas mapanatiling ligtas ang bawat mamamayan.
Ang nasabing operasyon ay kaugnay sa BIDA Program ng DILG na “Buhay ay Ingatan, Droga’y Ayawan” na may mithiing mas mapaigting ang laban kontra ilegal na droga at kriminalidad na naglalayong lutasin ang malalim na isyu at epekto ng ipinagbabawal na droga.
Source: PNP Kasurog Bicol