Paracelis, Mt. Province – Boluntaryong sumuko sa mga otoridad ang isang lalaking miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) sa Camp Henry Acmor, Brgy. Butigue, Paracelis, Mountain Province nito lamang Huwebes, Disyembre 8, 2022.
Kinilala ni Police Brigadier General Mafelino Bazar, Regional Director ng Police Regional Office Cordillera, ang sumuko na si alyas “Lito”, 38, may asawa at residente ng Brgy. Bantay, Paracelis, Mt Province.
Ayon kay PBGen Bazar, si alyas “Lito” ay sumuko dahil sa serye ng negosasyon ng mga tauhan ng 69th Infantry Battalion, Philippine Army, Paracelis Municipal Police Station, 1st Platoon, 2nd Mt. Province Provincial Mobile Force Company at 205th Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 2.
Kasabay ng kanyang pagsuko ay ang pagturn-over ng isang Springfield Caliber 30 Garand Rifle na may serial number na US 3243245 at isang Clip na may tatlong round ng bala.
Muling hinimok ni PBGen Bazar ang iba pang mga miyembro at tagasuporta ng CTGs na iwaksi ang maling ideolohiya at magbalik-loob sa gobyerno upang makasama ang kanilang mga pamilya ngayong kapaskuhan at bagong taon.
Source: Mountain Province Police Provincial Office